SCHOOL VACCINATION SA TAYTAY SISIMULAN NA
MAGSISIMULA na sa susunod na linggo ang Covid19 vaccination para sa mga batang may edad 5 hanggang 11 sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa Taytay, Rizal.
“Monday simula na tayo. Okay na kahapon sa DepEd,” sabi ni Mayor Joric Gacula.
“Sa pangunguna ng ating Municipal Health Office —Taytay, Rizal, magsisimula na ang pagbabakuna para sa ating kabataang Taytayeños edad 5 to 11 years old sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa ating bayan,” dagdag pa ng alkalde.
Pinaalalalahan din ng alkalde ang mga magulang na dalhin ang mga kakailanganing requirements sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak.
“Para sa mga magulang na gustong ipabakuna ang kanilang mga anak, makipag-ugnayan lamang po sa inyong mga eskuwelahan para sa schedule at requirements na kinakailangang dalhin,” ani Gacula.
“Para naman sa mga public at private schools na interesado, magsulat o gumawa po kayo ng Letter of Request na naka-address sa’kin, at ipasa ito sa tanggapan ng ating Municipal Health Office sa 2nd flr., Admin Office, Taytay Emergency Hospital,” ayon pa kay Gacula.