Region

SCHOOL BUILDING SA LANAO DEL NORTE TINUPOK NG APOY

/ 5 February 2021

NASUNOG ang isang school building na may tatlong silid-aralan sa isang coastal village sa Darumawang Bucana, Lala, Lanao del Norte.

Ayon kay Edilberto Oplenaria, schools division superintendent ng bayan ng Lala, kasamang tinupok ng apoy ang mga learning module para sa first at second quarters.

Batay sa Bureau of Fire Protection at barangay officials, tinatayang nasa P2.544 million ang halaga ng mga nasunog sa Darumawang Bucana Elementary School at wala nang mapakinabangan sa gusali.

Aminado ang mga awtoridad na nahirapan silang makapasok sa lugar kaya huli na nang dumating sila para maisalba ang gusali.

Idinahilan ng mga bumbero na wala silang kalsadang madaanan dahil ang paaralan ay napalilibutan ng palaisdaan at mangroves.

Sinabi ni Glyn Ajon, chairman ng Barangay Darumawang Bucana, na tanging ang mga residente roon ang tumulong para maapula ang apoy na nagsimula alas-8:30 ng gabi.

“We received a call around 9:30 p.m. but could not do anything about it because there was no access by land to Darumawang Bucana,” ayon kay Fire Inspector Kennet Puig, fire mashall ng bayan ng Lala.

Hindi naman matukoy kung ano ang sanhi ng sunog at patuloy pang iniimbestigahan ng BFP-Lala.