SCHOOL BUILDING ITATAYO SA TABUK CITY
ISANG apat na palapag na gusali ang itatayo sa Bulanao Central School sa Tabuk City para tugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa siyudad.
Aabot sa P52 milyon ang inilaang pondo para sa nasabing gusali. Ito ay pinondohan sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund ng DepEd.
Ang proyekto ay sa pagtutulungan ng Department of Education Division sa Tabuk at ng Department of Public Works and Highways Lower Kalinga District Engineering Office.
Sa groundbreaking ceremony noong Huwebes, Mayo 11, inihayag ni District Engineer Ruby Uyam na ito ang magiging pinakamalaking gusali ng elementarya sa lungsod, na nagtatampok ng 20 silid-aralan.
Sinabi ni Principal Amado Danao ng Bulanao Central School na ang 20 silid-aralan ay mag-a-accommodate ng humigit-kumulang 800 mag-aaral.
Ang proyektong ito ay bahagi ng panibagong partnership ng DPWH at DepEd para palakasin ang School Building Program at matugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa mga paaralan sa buong bansa.