Region

‘SALINBUHAY’ BLOOD DRIVE NG DEPED ABRA ALAY SA MGA GURONG MAY SAKIT

/ 25 January 2021

INILUNSAD ng Department of Education Schools Division Office ng Abra ang ‘Salinbuhay’ Blood Drive para sa mga gurong may sakit at nangangailangang masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon.

Sa unang ratsada ng blood drive noong Enero 18 ay agad silang nakalikom ng 22 blood bags mula sa mga boluntaryong may mabubuting loob.

Pinasinayaan ito ng DepEd Abra kasama ang Philippine Red Cross-Abra, sa pangunguna ni Administrator Ivy Venus Avendano.

Ang ‘Salinbuhay’, na mula sa pariralang ‘Pagsalin ng Buhay’, ay binuo ng DepEd upang marugtungan ang buhay ng mga gurong hindi napapagod magserbisyo para sa ikabubuti ng mga mag-aaral.

Ayon kay Senior Education Specialist Jan Nowel Pena, ito ang tamang oras para sila namang administrador at mga mamamayan, na nabuhay sa piling ng mga guro, ang tumulong upang punan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan.

Partikular siya sa mahabang listahan ng mga pampublikong gurong sumasailalim sa dialysis, chemotheraphy, caesarian birth delivery, at iba pang sakit na nangangailangan ng agarang pagsasalin ng dugo.

“We’ll try to implement the Salinbuhay quarterly in order to facilitate more blood donations to help achieve an adequate supply of blood in the province,” wika ni Pena.

Katuwang rin sa proyektong ito ang Philippine Dental Association Abra, Regional Mobile force Batallion GLOC215 Abra chapter, St. Francis Vision Care Center, at Abra Medical Diagnostic Center.