SABLAYAN TRAINING CENTER ITATAYO NA NG TESDA OCCIDENTAL MINDORO
SISIMULAN na ngayong Pebrero ang konstruksyon ng Provincial Training Center sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro, sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority.
Ang bagong PTC ay maglalaman ng multi-purpose classrooms na paggaganapan ng mga pagsasanay ng mga kursong technical-vocational.
Mayroon din itong kuwartong magsisilbing panuluyan ng techvoc trainers.
“Ang planong itayo ay isang gusali na may dalawang classroom at isang tutuluyan ng mga trainor nito,” ayon kay TESDA Provincial Director Edwin Andoyo.
Dagdag pa ng direktor, maraming mga mag-aaral ng TESDA mula sa mga bayan ng Mamburao, Abra de Ilog, Paluan, Sta Cruz, at Sablayan ang makikinabang dito.
Hakbang din ang naturan para mapalawak ang serbisyong ibinibigay ng ahensiya nang makaragdag sa kasanayan ng mga mamamayang nais magtrabahong lokal at abroad.
Sinumang magtatapos sa PTC ay magkaroon ng national certification sa driving, masonry, carpentry, tile setting, rice machinery operation, o organic agriculture production — ang unang mga kursong bubuksan sa Sablayan Center.
Sakaling operational na ay mananawagan na rin ang TESDA sa mga nais na makakuha ng scholarship. Lahat ng mapipiling iskolar ay maaaring magtrabaho rito kung kanilang nanaisin.
“Sa pagtatayo ng PTC, isasabay natin ang ilang construction courses kung saan ang mga mapipiling scholars ay sila mismong magta-trabaho dito,” sabi ng direktor.
P600,000 ang inisyal na pondo ng TESDA para sa materyales at scholarship program.
Para sa mga impormasyon hinggil sa iskolarsyip at mga kursong maaaring enrolan, maaaring bisitahin ang Facebook page na TESDA Oksi Mindoro.