ROMBLON STATE U AT DOST NAGSAGAWA NG RESEARCH AND DEVELOPMENT CONFERENCE
ISANG ‘blended’ research and development conference tungkol sa iba’t ibang proyektong pampananaliksik, pang-inhinyeriya at pagnenegosyo ang isinagawa ng Romblon State University at ng Department of Science and Technology MIMAROPA noong Setyembre 7 sa Odiongan, Romblon.
‘Blended’ ang kumperensiya dahil sa 62 kataong nagparehistro, 16 sa kanila ang dumalo via video conferencing na ayon sa RSU ay ang ‘new normal‘ na mga pagsasanay upang patuloy na maisakatuparan ang social distancing.
Bida sa gawain ang Laminated Bamboo Table Tops ng RSU College of Engineering and Technology na magagamit ng mga mag-aaral at mga naghahanapbuhay sa kani-kaniyang gawain mula sa bahay.
Mga magagandang klase ito ng mesang gawa sa kawayan – isa sa mga produktong ipinagmamalaki ng probinsya.
Ang DOST, sa kabilang banda, ang tumutok sa pagpapaliwanag ng mga posibilidad ng paglago ng table tops sa larangan ng komersiyo. Sinundan ito ng ilang mga pabatid tungkol sa agham, teknolohiya, pandemya, at ekonomiya.
Ang kumperensiya ay dinaluhan ng mga lingkod-bayan sa sektor ng negosyo, akademya, at industriya. Gayundin, ilang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Odiongan ang nakiisa, sampu ng mga pinuno ng non-government organizations sa lalawigan.
Ikinatuwa ni DOST MIMAROPA Director Dr. Josefina Abilay ang katagumpayan ng gawain. Inaasahan nilang masusundan pa ito kasama ang masisigasig na unibersidad sa buong rehiyon.