Region

RESPONSABLENG NETIZEN ISINUSULONG NG DEPED BICOL

/ 5 February 2021

PALAGIANG pinaaalalahanan ng Department of Education Bicol ang mga opisyal at miyembro ng pakuldad ng mga pampublikong paaralan na maging responsableng netizen sa tuwing gagamit ng social media at iba pang websites.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Bicol Spokesperson Mayflor Marie Jumamil na patuloy na kinakampanya ng kagawaran na maging maingat sa pagpo-post, pages-share, pagla-like, at pagko-comment sa Facebook at iba pang plataporma para maiwasang madawit sa mga isyu ng lipunan, gayundin para hindi makapagbahagi ng anumang misinformation o fake news.

“Every time there is a meeting, our regional director always gives us reminders to be extra careful in using social media after he also observed some post that is inappropriate and sometimes defamatory,” wika ni Jumamil.

Pinaalala naman ni DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad ang ilang probisyon ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

“As educators, we should be more conscious of our sphere of influence and only engage in online discussions if we can add value to the discourse,” sabi niya.

Bilang guro ng bayan, dapat aniyang maging responsable sa mga ginagawang nakikita ng publiko kahit na ito’y birtuwal lamang. Higit sa panahon ng pandemya, anumang uri ng fake news at mga pahayag na may malisya tungong libelo ay hindi makatutulong sa mga mamamayan, lalo na sa mga mag-aaral.

Hinikayat din ni Sadsad ang mga pampribadong paaralan na paalalahanan ang pinamamahalaang mga opisyal at guro hinggil sa paggamit ng makapangyarihang social media.