RED-TAGGING SEMINAR NG MGA GURO SA MINDORO ITINANGGI
PINABULAANAN ni Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Command Chief at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ang paratang ng Alliance of Concerned Teachers na magsasagawa sila ng red-tagging seminar sa mga guro ngayong araw, Marso 22, sa ilang pampublikong paaralan sa Oriental Mindoro.
Paliwanag ni Parlade sa The POST, hindi nila kostumbre ang magsagawa ng red- tagging seminar dahil wala sa kanilang manuals ang gawaing ‘red-tag’ kundi sa Communist Party of the Philippines.
Sa halip, ang kanila aniyang ginagawa ay ang bigyan ng kaalaman ang publiko, lalo na sa mga kanayunan upang hindi malinlang ng maling kaalaman.
“We don’t conduct red-tagging seminars but we do educate people about the duplicitous nature of the CPP so that activism will remain solely for legitimate dissenters and they will no longer be driven to the CPP’s extremist violent tendency,” bahagi ng text message ni Parlade sa The POST.
Magugunitang nag-post ang ACT sa social media na sisimulan ngayong araw ng mga sundalo ang kanilang red-tagging seminar para sa mga guro sa Mindoro at iginiit na paglabag ito sa kautusan ng Department of Education.
“These activities violate DepEd Orders No. 44 of 2005 declaring schools as zones of peace and No. 32 of 2019 providing the national policy framework on learners and schools as zones of peace,” bahagi ng post ng ACT sa social media.