Region

RED-TAGGING NG AFP SA MUSLIM STUDENTS KINONDENA NG ‘ULAMA’

/ 26 October 2020

BINATIKOS ng National Ulama Cooperation of the Philippines, ang pinakamalaking samahang panrelihiyon ng mga Muslim sa Filipinas, ang Armed Forces of the Philippines matapos nitong muling i-red tag ang mga mag-aaral na Muslim, partikular sa mga paaralang nakatayo sa Bangsamoro.

Ayon kay NUCP Board Member Ebrahim Ismael, ang pahayag ni AFP Chief Gen. Gilbert Gapay laban sa mga Muslim ay makapagpapatindi ng sigalot sa pagitan ng mga sibilyan at ng mga sundalo. Wala umano itong maitutulong kundi ang mas pasakitan pa ang mapayapang pamumuhay ng mga Muslim sa bansa.

Ang tinutukoy ni Ismael ay ang pahayag ni Gapay na mas pag-iibayuhan ng hukbong sandatahan ang pagmomonitor sa mga Islamic School, partikular sa Sulu at iba pang bahagi ng Mindanao, sapagkat pugad umano ito ng terorismo na may  matinding pagtuturo ng ‘violent extremist’ ideologies.

Diin ni Gapay, “This is one of the institutions [schools] or areas where recruitment occurs. We are looking at how the youth are being recruited and radicalized.”

Giit ni Ismael, mall si Gapay sapagkat siya’y buhay na patunay na hindi terorismo ang itinuturo ng mga paaralang Muslim sa Filipinas.

“I am a product of madrasah and extremism was not taught to us. Militants who operate Islamic schools may be using it, but Islamic schools, in general, are not.”

Sinusugan siya ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Chief Minister Aleem Solaiman sa pagsasabing si Gapay ay ‘iresponsable’ at hindi dapat sinusuportahan sapagkat siya ang nagiging dahilan kung bakit hindi natatapos ang tunggaliang Kristiyano at Muslim.

“We refuse to accept the irresponsible and hateful statement. I can attest to the fact that terrorism was never and has never been taught in its slightest forms in the madrasah,” sabi ni Solaiman.

Matatandaan na noong nakaraaang taon ay umani na rin ng kritisismo ang AFP sa ilegal nitong pangongolekta ng pangalan ng mga estudyanteng Muslim sa Metro Manila sa pagsasabing ang mga Muslim ay terorista.

Giit ng mga mamamayan, ito ay diskriminasyon sa relihiyon na hindi kailanman makabubuti sa usaping pangkapayapaan.