Region

QUIRINO STATE U NANGUNA SA PAGPAPALAGO NG BANANA INDUSTRY SA LALAWIGAN

/ 6 February 2021

SINANAY ng Quirino State University at ng Department of Science and Technology Region 2, sa pamamagitan ng Quirino Province Science and Technology Center, ang mga peoples organization tungo sa mabilis na pagpapalago ng industriya ng pagsasaging sa probinsya.

Noong Enero 28-29 ay nagsagawa ang QSU ng dalawang araw na pagsasanay sa Package Technology for Tissue-Cultured Banana para mahasa ang kasanayan ng mga mamamayan sa pangangalaga ng saging mula taniman, anihan, imbakan, hanggang sa paghahatid sa pamilihan.

“The project aims to provide additional support facility to the partner [peoples organizations] in the commercialization, utilization, and technology transfer of tissue-cultured bananas in the province,” paliwanag ni DOST Research Specialist Daisy Simon.

Ito rin ay bahagi ng programang ‘Support to the Utilization and Commercialization of Tissue- Cultured Bananas in Quirino Province’ ng DOST at ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research.

Bilang pangunahing pamantasang nagsusulong ng industriya ng pagsasaging ay siniguro naman ni QSU President Herminegildo Samoy, Jr. na hindi sila mapapagal sa paghahatid ng samu’t saring pagsasanay para sa mga mamamayan ng Quirino.

Nakikita umano nila ito bilang pangunahing produkto at mapagkukunang-yaman ng probinsya tungo sa pag-unlad ng lalawigan, rehiyon, at ng bansa.

Ang Quirino rin umano ang nangungunang prodyuser ng saging sa Filipinas na ibinebenta sa mga pamilihang lokal. Gayundin, malimit na ang mga naaaning saging ay ine-export sa mga karatig- bansa.

Dagdag ni Samoy, ang training sa tissue-cultured bananas ay dapat na ibaba sa mga PO sapagkat makailang ulit na itong nakatugon sa mga suliraning pamproduksiyon ng probinsya gaya ng Banana Buncy Top Virus na minsan nang umatake sa pananim ng mga magsasaka.

“The banana tissue-culture technology is the answer in increasing the production of bananas in the province,” sabi ni Samoy.

Nagpakita rin ng suporta sa programa sina Provincial Science and Technology Center Quirino Director Lucio Camalig at QCU Vice President Dr. Elizabeth Carig.

“Let’s work together in revitalizing banana industry in our province,” paghihimok ni Camalig sa mga nagsilahok.