PUBLIC SCHOOL TEACHER SA AGUSAN NORTE KABILANG SA TOYM AWARDEES
PARARANGALAN bilang isa sa The Outstanding Young Men ng Junior Chamber International-Philippines si Edgar Tolentino Elago, Master Teacher 1 ng Department of Education Schools Division Office ng Agusan del Norte.
Siya ang natatanging guro sa pitong gagawaran ng JCI ngayong taon.
Kinikilala ang husay ni Tolentino sa pagtuturo ng panitikan at kulturang Filipino sa iba’t ibang dako ng Filipinas kung kaya minsan na rin siyang itinanghal bilang Outstanding Filipino ng Metrobank Foundation.
Finalist din siya sa Outstanding Public Offices and Employees o Dangal ng Bayan Award ng Civil Service Commission 2020.
Kasama rin sa TOYM awardees sina Pasig Mayor Victor Ma. Regis Nubla Sotto (Honoree for Government Service), Armed Forces of the Philippines Special Forces Regiment Capt. Ron Tendido Villarosa Jr, (Honoree for Community Development/Military Service), at World Bank Senior Disaster Risk Management Specialist Atty. Lesley Jeanne Yu Cordero (Honoree for Political Science and Social Sciences).
University of the Philippines Manila National Telehealth Center Director Dr. Raymond Francis Rapal Sarmiento (Honoree for Medicine), Multiysis Technologies Corporation Founder and CEO David Lopez Almirol Jr (Honoree for Science Technology and Engineering), at ANGKAS co-founder George Ilagan Royeca (Honoree for Business Entrepreneurship in Pioneering Industries).
Layon ng TOYM na kilalanin ang tagumpay ng mga Filipino sa iba’t ibang larangang makapagpapaunlad ng lipunan. Ang pagtatampok ng kani-kanilang kwento ng pagsisikap ay inaasahang nagtutulak sa mga kabataan na liparin ang matatayog na pangarap sa nalalapit na hinaharap.
Inaabangan na ng publiko ang awarding ceremony ng TOYM sa Pebrero 18.