Region

PSYCHOLOGICAL FIRST AID SA MGA MAG-AARAL, GURO NA NASALANTA NI ‘ULYSSES’ ISASAGAWA NG DEPED BICOL

/ 7 December 2020

UPANG maagapayan ang kalusugang mental ng mga mag-aaral at mga guro na naapektuhan ng Bagyong Ulysses, ang Department of Education Bicol ay magsasagawa ng serye ng psychological first aid sa Disyembre 7-11.

Ayon sa pinakabagong pahayag ng DepEd Bicol, ang mga sesyon ay para sa higit 200 mag- aaral ng bawat schools division office. Bukod pa ito sa mental health services na patuloy na isinasagawa para sa mga teaching at non-teaching staff ng kagawaran.

Kinabibilangan ito ng body movement at music activities, t- shirt art creation, writing at storytelling exercise, at breathing exercises.

Personal ang mental health sessions. Ang mga bata at guro’y pupuntahan ng mga eksperto para makausap at makumusta ang kanilang kalagayan.

Napag-alaman ng DepEd na batay sa pinakahuling datos, higit 3,000 mag-aaral ang kasalukuyang naninirahan sa mga evacuation center at nahihirapang makabalik sa pag- aaral.

Ang karamihan sa mga ito, wika ng Educo Philippines, ay maaaring mawalan ng interes na magpatuloy ng edukasyon kaya ang mga psychological support session ay makatutulong para maintindihan ang kanilang saloobin.

Gayundin, hayag sa mga pananaliksik na tumataas ang porsiyento ng abusong pisikal, emosyonal, at mental sa tuwing may sakuna lalo sa mga bata’t kababaihan. Para masigurong ang mga apektado’y may maayos na kalagayan, ang mga sesyon ay labis na kailangan.

“The cramped spaces and the lack of electricity can expose them to heightened protection risks. It will be difficult for them to report these as their families have other problems to deal with, simultaneously,” wika ni Educo Philippines Volunteer-Member Shiena Base sa isang interbyu.

Bicol ang higit na naapektuhan ng Bagyong Ulysses noong nakaraang buwan, kasama ng Cagayan, Metro Manila, at ng iba pang lalawigan sa Luzon. Ang tulong ay patuloy na ibinibigay ng Department of Education para maipagpatuloy ang pag-aaral ngayong akademikong taon.