POGO HUB SA PORAC, PAMPANGA PUWEDENG GAWING ESKWELAHAN — PACC
MAAARING gawing eskwelahan ang POGO hub sa Porac, Pampanga sa sandaling makumpleto na ang proseso sa pagkumpiska sa lugar.
Ito ang inihayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Undersecretary Gilbert Cruz matapos ang ocular inspection sa mga gusali ng Lucky South 99.
Ayon kay Cruz, layon nito na mapakinabangan pa rin ang mga gusali na una nang ginamit sa ilegal na gawain ng mga sindikato.
Sinabi ng opisyal na katulad ito ng ginawa sa mga unang nadiskubreng POGO na ginagamit ngayon ng Department of Social Welfare and Development para tuluyan ng mga nakukuha nilang batang pagala-gala sa kalsada.
Mayroon din aniyang ginagamit na opsina sa lugar ang Department of Justice habang may mga roof deck ang mga gusali na pinakikinabangan naman nila bilang mga kulungan ng mga dayuhang nahuhuli sa mga POGO na naghihintay ng deportation.
Ipinaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian na napapasailalim sa government control ang isang property kapag ito ay napatunayang ginamit sa kriminalidad, partikular sa human trafficking.
Sa kaso sa POGO hub sa Porac, sinabi ni Cruz na magiging malaking kapakinabangan ang mga gusali kung gagawin itong eskwelahan lalo’t kapos ang bansa sa mga silid-aralan.