Region

POETRY READING, STORYTELLING SA LIBRARY MONTH SA BAGUIO CITY BUKAS SA MGA MAG-AARAL

/ 28 October 2020

MAKARAANG magbukas sa turista noong Oktubre 22 ay unti-unti nang bumabalik sa normal ang kalakaran sa pamumuhay sa lungsod ng Baguio.

Batay sa anunsiyo ng public information office ni Mayor Benjamin Magalong, naghahanda na ang lungsod para sa kanilang selebrasyon sa Library Month at Book Week sa Nobyembre at pangunahing iniimbitahang lumahok ang mga mag-aaral para sa kanilang dagdag-kaalaman.

Ang tema ng selebrasyon ay “LibREAL o Libraries Relate, Engage, Advocate, Lead” na isasabay na rin sa pagdiriwang ng ika-86 National Book Week mula Nobyembre 24 hanggang 30.

Ang magiging tema naman ng National Book Week ay  “Libraries as Catalysts in the New Normal Environment:  Changes.  Reforms. Transformations”.

Sinabi ni City librarian officer-in-charge Easter Wahayna-Pablo na ang mga aktibidad ay pawang trivia kung saan ang mga katanungan ay naka-post sa kanilang FB page na Baguio City Public Library tuwing Lunes at Martes at sino man ang unang makasagot nang tama ay may munting regalo.

Ang Online Storytelling naman ay ipo-post tuwing Miyerkoles habang pangungunahan ni Gaby Keith mula sa tanggapan ni Mayor Magalong ang Poetry Reading na ipo-post sa FB page tuwing Huwebes.

Iniimbitahan din ang nais maging speaker para ibahagi ang kanilang pagkahilig  sa libraries, books at reading na makikita sa FB page tuwing Biyernes.

Magkakaroon  din ng Parent and Child Online Storytelling Contest sa  child development centers ng lungsod.

Sa mga nais lumahok, magpa-register online sa Baguio City Public Library FB at sasalain ito ng hanggang 25 pairs lamang.

Ang mananalo sa Parent and Child Online Story Telling ay tatanggap ng cash prize.