PNPA CADET PATAY SA SUNTOK NG UPPERCLASSMAN
NANINDIGAN ang tagapagsalita ng Philippine National Police Academy na si Pol. Col. Louie Gonzaga na istriktong sinusunod ng police state academy ang ‘no hazing policy’.
Kasunod ito ng pagkamatay ni 3rd Class Cadet Karl Magsayo noong gabi ng Setyembre 23.
“Napakalakas po ng ating implementation diyan (no hazing policy). And that part of it is ‘yung strong inculcation natin amongst our cadets for the respect of human lives and human rights,” ayon kay Gonzaga.
Sa report ng Silang Municality Police Station sa Cavite, alas-5:40 ng hapon ng nasabing petsa, nang magtungo si Magsayo, tubong Zamboanga, kasama ang isa pang kadete, sa kuwarto ng suspek na si 2nd Cadet Class Steve Cesar Maingat kung saan sinikmuraan umano nito ang biktima.
Batay pa sa natanggap na ulat ng police station, nawalan ng malay si Magsayo makaraang suntukin ni Maingat kaya isinugod na sa ospital subalit makaraan lang ng mahigit isang oras o alas-6:43 ng gabi ay pumanaw na ito.
Aminado ang PNP na hindi pa nila alam ang dahilan kung bakit sinuntok ni Maingat ang underclassman.
Sinabi naman ni Cpl. Ramil Legaspi, officer-on-case, na sa Lunes, Setyembre 27, ay i-inquest si Maingat.
Ipinag-utos naman ni PNPA Director, Maj. Gen. Rhoderic Armamento ang pagbuo ng special investigation task force para sa mabilis at masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng 21-anyos na si Magsayo.
Tiniyak ni Gonzaga na kanila nang ipinaalam sa pamilya ni Magsayo ang sinapit ng kadete.
“We are in direct communication with the family and right now po, rolling pa ‘yung (the) conduct of an in-depth investigation of the special investigation task group,” ayon kay Gonzaga.