Region

PNP KINONDENA SA PAGTUKOY SA TEACHERS BILANG POTENTIAL RAPISTS

/ 8 July 2021

BINATIKOS ng Teachers’ Dignity Coalition ang anila’y hindi patas at iresponsableng pagtukoy ng PNP-Sorsogon City sa mga guro bilang potential rapists sa ipinalabas nitong poster na nagbibigay impormasyon sa madla ukol sa mga kaso ng rape at iba pang sexual crimes.

“Pig kokondenar mi po an akto kan Sorsogon City Police asin an Sorsogon Advisory Council sa maka muro mundong paggibong ehemplo kan mga Maestro bilang potentiel rapist. We teachers are entitled with high respect and we uphold our dignity,” pahayag ni Romel Lleva, isang punong-guro sa Sorsogon at siya ring pangulo ng TDC-Bicol sa magkahalong Ingles at Bicolano.

Sa ipinalabas na poster ng PNP at SAC na may pamagat na “Oplan Kontra-Lupig” ay espisipikong tinukoy ang teacher bilang isa sa mga posibleng salarin sa panggagahasa at iba pang krimen.

Ayon pa sa grupo, lubha  itong nakakasakit sa kanilang propesyon na ang pangunahing layunin ay magturo at mag-aruga sa mga bata.

Ang pahayag ng TDC-Bicol ay sinang-ayunan naman ni TDC national chairperson Benjo Basas.

“Sa dami ba naman ng mga propesyon o linya ng hanapbubay ay bakit singled-out ang teacher bilang potential rapist? Ano naman din kaya ang mararamdaman ng mga kapatid nating pulis kung sila halimbawa ay tinukoy sa isang module ng DepEd bilang example ng masasamang tao? Masakit din, ‘di ba? Kaya dapat maingat tayo sa mga pahayag lalo na sa publiko,” sabi ni Basas.

Ayon sa grupo, suportado nila ang kampanyang ito ng PNP laban sa karahasan sa mga bata at kababaihan at handa umano silang tumulong subalit dapat tiyakin na hindi naman malalagay sa masama ang anumang propesyon.

“Bilang mga guro, layunin din namin na maturuan ang mga mamamayan ng tamang impormasyon at mabigyan sila ng proteksiyon at handa kaming tumulong sa ganitong layunin ng PNP, pero pakiusap lang na huwag naman yurakan ang aming propesyon,” sabi ni Lleva.

Ayon pa kay Lleva, pormal nilang susulatan ang pamunuan ng PNP Sorsogon City at maging si PNP Chief Guillermo Eleazar upang mabigyang-linaw ang bagay na ito at hindi na maulit pa kahit saan.

“Sa ngayon, hinihiling namin sa PNP Sorsogon City na i-pull out ang lahat ng poster o tarpaulin na ito sa lahat ng dako ng Sorsogon at maging sa social media,” pagtatapos ni Lleva.