PINAKAMALAKING ART FAIR SA MINDANAO DINAGSA
SA GITNA ng krisis pangkalusugan na kinahaharap ng bansa ay itinuloy pa rin ang 2nd Mindanao Art Fair, Exhibit, and Conference noong Oktubre 21 sa Malayan College Mindanao.
Ang #MindanaoArt2020 na may temang nakasentro sa ‘art in a new landscape’ ay ang pinakamalaking art event sa Mindanao at ang isa sa mga pinakamalalaking programa sa buong Timog Silangang Asya.
Ito ay sinimulan sa isang birtuwal na programa na dinaluhan ng mga pintor, artista, at iba pang tagapaglaganap ng maka-Filipinong kultura’t sining sa loob at labas ng bansa.
Sa online program ay sinabi ni Lawig-Diwa President Kublai Millan, isa sa mga isponsor, na ang pagpapatuloy ng art exhibit ay patunay na hindi napapagal ang mga artista sa pagpapalaganap ng mensaheng maka-Filipino kahit na may pandemya.
Sa katunayan, mas marami pang lumahok ngayon kaysa noong 2019 – patunay na nagmamarka ang Mindanao Art Fair sa mga Filipino.
Diin pa niya, “In this new uncertain landscape, we chose to make art live.”
Ang aktuwal namang kurasyon ay nilahukan ng higit 200 artista at manggagawa ng sining mula sa Lungsod ng Bukidnon, Lungsod ng Cagayan de Oro, Rehiyon ng Caraga, Davao, Davao del Norte, Davao Oriental, Hilagang Cotabato, Lungsod ng Iligan, Lungsod ng General Santos, at ng Zamboanga Peninsula.
Mabibisita sa Mindanao Art ang likha ng Deanna Sipaco Foundation for the Differently-Abled, Inc. Narito rin ang ‘MinTODA’ ni Bing Carino, isa sa mga pinakatinitingalang Mindanaoan painter na makikita hanggang Nobyembre 8, 10 n.u. hanggang 4 n.h.
Ang #MindanaoArt2020 ay inorganisa ng Lawig-Diwa, Inc., kasama ang National Commission for Culture and the Arts at ng National Committee on Art Galleries.