PDLs SA ORIENTAL MINDORO MAY BAGONG EDUCATION FACILITY
BILANG patunay na hindi nawawala ang pag-asa para sa mga persons deprived of liberty sa kabila ng kanilang kalagayan, isang innovative classroom ang pinasinayaan sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology-Bansud District Jail, ayon sa ulat ni BJMP Mimaropa information officer Jail Officer 3 Joefrie Anglo.
Mula sa nalikom na pondo sa Color Fun Run na ginanap noong Oktubre 20, 2024, naging posible ang pagtatayo ng 42 square meter na silid-aralan na tinawag na ‘Silid-Kulay ng Pagasa’.
Ayon kay Anglo, isa sa mga prayoridad ng BJMP ay ang paglalaan ng espasyo o silid para sa PDLs na nais matuto at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral habang nagsisilbi ng kanilang sentensiya sa loob ng kulungan.
Sinabi naman ni acting district jail warden Jail Senior Inspector Nelmar Malimata na ang bagong bukas na silid-aralan sa loob ng jail facility ay mag-eengganyo ng mas maraming PDLs na mag-enrol sa alternative learning system program sa susunod na pasukan.
Aniya, bukod sa hatid na pag-asa, ang pagbibigay sa kanila [mga PDLs] ng edukasyon ay mahalagang instrumento sa kanilang rehabilitasyon, paglago, at pag-iwas na muli pang bumalik sa masamang gawain.
Sa 301 PDLs sa BJMP-BDJ, 29 ang naka-enrol sa junior high school habang 23 ang nasa elementary at sumasailalim sa Basic Literacy Program.
Tinuturuan sila ng mga jail officer na may mga background sa pagtuturo, at mga mobile teacher mula sa Department of Education.