PART 2 NG PHYSICIAN LICENSURE EXAMS SA TUGUEGARAO KINANSELA NG PRC
DAHIL hanggang ngayon ay mahina pa rin ang internet connection at hindi pa nanunumbalik ang 100 porsiyento ng koryente sa Tuguegarao, minabuti ng Professional Regulation Commission na ikansela ang ikalawang bahagi ng Physician Licensure Examinations ngayong araw at bukas.
“Due to access and connectivity difficulties caused by Typhoon Ulysses, the November 15 and 16, 2020 Physician Licensure Examination (PLE) is cancelled in Tuguegarao City,” opisyal na anunsiyo ng PRC.
Gayunman, nilinaw ng komisyon na tuloy pa rin ang pagsusulit sa ibang bahagi ng bansa.
“[PLE] shall proceed as scheduled for the rest of the testing venues nationwide,” ayon sa komisyon.
Dismayado ang mga kukuha ng pagsusulit sa desisyon na ito ng PRC. Giit nila, hindi lamang Tuguegarao ang apektado ng bagyo, kundi ang halos buong Luzon at ang pag-urong ng petsa ng PLE ay hindi makasasama alang-alang sa mga mamamayan.
“Sana po PRC tinimbang [ninyo] muna ang sitwasyon bago kayo nagdesisyon. Lalo [ninyo lamang] pinabigat ang pakiramdam ng mga mag-e-exam sa ginawa [ninyong] announcement,” sabi ni Dy Ilagan Ronaele.
Susog naman ni Cherise Andrea Espinas Llaneta sa Facebook, “Hindi lang po Tuguegarao sa Luzon ang binaha, may mga protocol po ba sa mga tao na hindi makapupunta sa testing site dahil sa maraming daan pa rin po ang hindi passable? Marami pa rin pong baha sa iba’t ibang parte ng Metro Manila na tinitirhan ng examinees.”
Gayundin ang sentimyento ni Bms P Tan, “Please be considerate. [You] still have time to change the decision po. We ask this for our colleagues in affected areas.”
Sa ngayo’y walang bagong anunsiyo ang PRC.
Kung may mga katanungan tungkol sa pagsusulit ay maaaring magpadala ng email sa PRC Tuguegarao sa [email protected] at sa Licensure Division, [email protected] o [email protected].