Region

PAPEL NG LIBRARIAN SA FREEDOM OF INFORMATION PINAHALAGAHAN NG PANGASINAN PROVINCIAL LIBRARY

/ 13 September 2020

MAS pinagtitibay pa ng pamahalaan ang implementasyon ng Freedom of Information na ngayo’y may pagtatangi na rin sa papel ng mga Filipinong librarian sa buong bansa.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Kristian Ablan, librarian ang isa sa ‘forefront’ ng pagkakaroon ng malawakan at makatotohanang akses sa mga impormasyon at nararapat lamang na ilahok sila sa pambansang kampanya ng FOI.

Bunsod nito’y naglunsad ang PCOO ng serye ng mga webinar na eksklusibo sa mga librarian na magpapaliwanag ng kanilang kritikal na papel tungo sa pagkakaroon ng ganap na laya sa impormasyon.

Ang webinars ay akredito ng Professional Regulations Commission at may  timbang na tatlong CPD units.

Sinegundahan ni Pangasinan Provincial Librarian Cynthia Vila ang pahayag ni Ablan sa pagsasabing handang-handa na sila sa hamong susuungin ng mga Pangasinenseng Librarian.

“Librarians are the gatekeepers of information. In this generation, some libraries are already called information centers because aside from books, many have capabilities like internet and other modes of learning,” pahayag niya.

Noon pa ma’y sunod-sunod na umano ang mga pagsasanay na isinasagawa ng Pangasinan upang maging up-to-date ang kaalaman ng mga librarian sa larangan ng etikal na pag-ukilkil ng mga impormasyon at sa wakas ay magagamit na nila ito sa malawakang proyekto.

Handa na rin ang Dagupan City Library sa FOI. Ayon kay Librarian Corazon Langit, ekstensiyon ang mga library ng tumpak at makatotohanang impormasyon kaya hindi nakapagdududang sa FOI’y kinikilala ito.