PAGSASANAY NG MGA CAMPUS JOURNO SUPORTADO NG MAASIN LGU
IPINAHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Maasin, Leyte ang kanilang pagnanais na suportahan ang pagsasanay ng mga mamamahayag sa bawat paaralan sa ilalim ng Department of Education Schools Division Office of Maasin.
Mas mapalalakas pa umano ng kapatiran ng LGU, DepEd at Associated Media of Southern Leyte ang City Ordinance 2019-129 hinggil sa pagdiriwang ng Linggo ng Kalayaan.
Ang ordinansa at pagdiriwang ay alay para sa malayang pagbabalita at pagpapahayag ng opinyon tungo sa ikauunlad ng bayan.
Sa katunayan, noong nakaraang buwan, sa unang pagkakataon ay ipinagdiwang ng lungsod ang Press Freedom Week na dinaluhan ng mga mamamahayag mula sa Maasin City National High School, Manhilo National High School, Dongon National High School, at Saint Joseph College.
Ginanap dito ang samu’t saring oryentasyon hinggil sa pagsulat ng balita, broadcasting at photojournalism, at iba pa.
Ang naturang gawain ay tanda ng pagkilala sa papel ng midya sa araw-araw na pamumuhay ng mga Leytenon, ayon kay City Councilor Zaldy Olita.
Upang patuloy na maisakatuparan ang mandato’y susuportahan ng pamahalaan ang mga aktibidad ng campus journo nang sa gayo’y manatiling malaya ang midya sa paghahatid ng impormasyon sa mga mamamayan.
Isa sa mga nakalinyang gawain ay ang malakihang palihang pangmag-aaral tungkol sa peryodismong pangkampus.
“Hopefully [this] will be realized. MSL will train and help you to become future mediamen and follow our footsteps,” pahayag ni Olita sa isang press conference.
Ibinahagi pa ni Olita na bago siya pumasok sa politika noong 2016 ay naglingkod muna siya bilang radio broadcaster simula 2009 kaya batid niya ang mga suliraning kinahaharap ng mga campus journalist.