PAGMAMAHAL AT MALASAKIT NI TITSER SA MGA MAG-AARAL
ISANG guro sa bayan ng Lupon sa Davao Oriental ang ilang oras na naglalakbay araw-araw maihatid lamang ang edukasyon at pagkatuto sa mga mag-aaral sa liblib na lugar sa probinsya.
Si Teacher Emmanuel Dador, nagtuturo sa mga IP learner sa Tiombocan National High School sa nasabing lugar, ay gumugugol ng tatlong oras sa pagbiyahe mula sa bayan patungo sa paaralan na nasa gitna ng mga bulubundukin.
Sa kabila ng kakulangan sa gamit at kawalan ng koryente sa lugar ay sinisikap niyang makapagbigay ng sapat na kagamitan at kaalaman para sa mga mag-aaral lalong-lalo na ngayong pandemya.
May mga araw mang nakararamdam ng pagod, patuloy pa rin si Teacher Emmanuel sa paggampan sa kanyang tungkulin dahil sa misyon niyang maipaunawa sa mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon.
“Ang pagiging isang guro ay hindi lamang isang trabaho, ito ay isang papel na ginagampanan bilang mga ina at ama sa mga batang nangangarap. Sana’y maging inspirasyon din ito sa mga gurong tulad ko na ibuhos ang buong puso sa pagtuturo sa mga estudyante, lalo na sa mga mag-aaral na may malalaking hangarin sa buhay. At sa ganitong paraan ay masasabi natin na nagawa natin ang misyon natin bilang mga guro,” sabi niya.
“Sikapin n’yong mag-aral nang mabuti dahil walang imposible kung makakamit ninyo ang edukasyon. Kahit gaano pa man ito kahirap, kung magsisikap kayo at ‘di susuko, tiyak na magbubunga rin ang lahat ng mga pagod at paghihirap n’yo,” mensahe naman niya para sa mga kabataan.