Region

PAGLALARO NG LATO-LATO SA ISKUL SA CEBU PINALILIMITAHAN

/ 24 June 2023

INATASAN ng Department of Education-Cebu City ang mga paaralang nasasakupan nito na subaybayan ang mga mag-aaral na naglalaro ng lato-lato at gumawa ng nararapat na hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Nauna nang sinabi ng Food and Drugs Administration na masama ang lato-lato sa kalusugan ng mga bata dahil wala itong Certificate of Product Notification.

Napansin din ng DepEd-Cebu City ang tumataas na katanyagan ng lato-lato, na kilala rin bilang “clackers” o “clankers,” isang laruan na naging alalahanin para sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante sa mga school campus.

“The DepEd Cebu City is committed to ensuring an environment conducive to learning for all students. As such, we are taking the necessary steps to monitor and address the use of lato-lato inside school premises,” ayon sa isang advisory ng DepEd-Cebu City.

Ang ingay na nabubuo ng lato-lato ay maaari ring makagambala sa proseso ng pag-aaral, dagdag pa nito.

“As such, schools are encouraged to educate students about the potential dangers of this toy and discourage its use during school hours,” ayon pa sa ahensiya.

“We believe that by taking a proactive approach, we can maintain a safe and conducive learning environment for all students.”

Mahigpit na nakikipagtulungan ang DepEd-Cebu City sa mga administrador ng paaralan, guro, at magulang para matugunan ang isyung ito.