PAGDIRIWANG NG IP MONTH SA KALINGA TULOY ONLINE
IPAGPAPATULOY ng Office of the Indigenous Peoples Mandatory Representative to the Sangguniang Panlalawigan ng Tabuk, Kalinga ang paghahanda para sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month sa susunod na buwan.
Ayon kay Kalinga IMPR Michael Sugguiyao, ang IP Month ay may temang ‘Pagwawasto sa Makasaysayang Kawalan ng Katarungan para sa mga Katutubong Karapatan’.
Isisiwalat dito ang lahat ng mga suliraning kinaharap ng pambansang minorya ng Hilagang Filipinas patungkol sa lupang ninuno, karapatang-pantao, kapayapaan, kabuhayan, at iba pang tagpong dagok man ay nakapagpatatag pa rin ng kanilang identidad at kaakuhan.
Magsisimula ang serye ng mga aktibidad sa Oktubre 1. Ito ang unang araw ng birtuwal na pagtitinda ng mga heirloom at iba pang produktong panahian, beads, face masks, at head bands.
Dagdag pa’y mga seminar, webinar, at patimpalak na bubuhay sa kultura’t tradisyon ng mga Kalinga:
Oktubre 1 – Posisyon ng IPMR sa Quarrying
Oktubre 9 – Pagtatanim
Oktubre 14 – Birtuwal na Patimpalak ng mga Koro
Kada Biyernes ng Buong Oktubre – Kalinga Traditional Pandemic Response, cultural
sensitivity, birtuwal na talakayan sa pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan, pabatid tungkol sa bagong panuntunan ng IPMR.
Matatapos ang isang buwang gawain sa isang ritwal panaboy sa masasamang elementong bitbit ng Covid19 sa Oktubre 30.
Ang pagdiriwang ay bilang pagkilala sa ika-23 anibersaryo ng mas tumatatag pang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act of 1997.
Naayon din ito sa Kalinga Provincial Ordinance No. 2019-025 tungkol sa panlalawigang obserbasyon ng lahi ng pambansang minorya at katutubong pamumuhay.