PAGBUBUKAS NG KLASESA BATANES SUSPENDIDO PA RIN DAHIL SA PINSALA NI ‘KIKO’
HINDI nakasabay ang Batanes sa pagbubukas ng klase noong Setyembre 13 kasunod ng matinding pinsala na iniwan sa lalawigan ng bagyong Kiko.
Sa isang panayam, inamin ni Batanes Governor Marilou Cayco ang matinding kalungkutan at pagkadismaya dahil sa tindi ng danyos ng bagyo sa kanilang mga ari-arian at imprastraktura.
Dahil sa bagyo ay nasira ang planta ng National Power Corporation dahilan para mawalan ng supply ng koryente kaya naman kanselado ang pagbubukas ng klase sa lalawigan.
Ilang gusali rin ng Department of Education ang nagtamo ng matinding pinsala.
Kabilang dito ang nasirang bubungan ng DepEd building nang bagsakan ng nilipad na container van.
“Hanggang ngayon ay mahirap pa ring ipaliwanag ang aking nararamdaman sa kalunos-lunos na nangyari sa aming probinsya. Sa lakas na 310 kph na bugso ng hangin ay napakalawak na pinansala ang idinulot ng super typhoon sa aming probinsya. Just imagine ‘yung isang container van ay nilipad at napunta sa bubong ng DepEd,” emosyonal na pahayag ni Cayco.
Hindi pa maibigay ni Cayco ang petsa ng pagbubukas ng klase sa lalawigan dahil nakadepende ito sa rekomendasyon ng DepEd lalo na’t maraming nasirang learning materials gaya ng modules na nabasa at mga computer.
“May meeting po ang DepEd para alamin kung kailan po sila mag-uumpisa, ang kanilang klase kasi nabasa po ‘yung kanilang computer, modules na naka-prepare para i-distribute before noong Monday. So, malalaman ko kung kailan ang start ng klase dito sa Batanes,’ dagdag ni Cayco.