Region

PAG-AARAL NG MGA KATUTUBO SUPORTADO NG NUEVA ECIJA U

/ 17 September 2020

PANTAY na oportunidad para sa lahat.

Iyan ang adbokasiya ng Nueva Ecija University of Science and Technology – Center for Indigenous Peoples Education ngayong panahon ng modular at blended learning education bunsod ng pandemya.

Sa tulong ng 35 bagong indigenous peoples first-year college students at 67 upperclassmen ay namahagi ang unibersidad ng learning modules sa mga lugar-panuluyan ng mga katutubo sa Nueva Ecija.

Naglunsad din sila ng donation drive para makatulong sa pagbibigay ng mga laptop, tablet, at iba pang gadgets upang makadalo ang mga mag-aaral sa kani-kaniyang online classes.

May ilan pang mga boluntaryong nag-aasikaso ng aplikasyon ng bawat estudyante sa pagkuha ng iskolarsyip, dormitoryo, stipend, at iba pang esensyal na pangangailangan ng mga susuong sa tersiyaryang edukasyon.

Ibinahagi ng unibersidad na sa kasalukuyan, higit sa 60 mag-aaral ng NEUST ay katutubong iskolar ng Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education. Dagdag pa rito ang 47 na ginagabayan naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na tumatanggap ng hindi bababa sa P3,000 ayuda kada semestre.

Nais ng NEUST na maabot ang komunidad na iniinugan ng unibersidad at maging aksesibol din sa mga katutubo ang lahat ng dapat na natatamasa ng isang estudyanteng Filipino.

Dagdag pa rito, itatayo na rin ang Kalanguya School of Heritage and Living Traditions sa bayan ng Carranglan para sa pagpepreserba at pagpapayabong ng tradisyonal na kultura ng mga katutubo sa lalawigan.