Region

PAG-AARAL ‘DI SINUKUAN NG JUNIOR HS LEARNER NA MAY KAPANSANAN

/ 1 August 2021

KASABAY ng maraming graduation ceremony, ipinagdiwang din nitong Hulyo ang Disability Pride Month.

Isa si Jessie Rose M. Taguba ng Palimbang, Sultan Kudarat sa nagpatunay na hindi limitado kung gaano katayog o kalaki ang kayang maabot ng isang may kapansanan basta may pangarap at sapat na suporta.

Kulang man siya sa pisikal na aspeto sa paningin ng iba, para kay Jessie ay kumpleto siyang aabante sa kanyang buhay at pangarap matapos mapagtagumpayan ang pag-aaral ng Junior High School sa Baluan National High School.

Aminado si Jessie na ramdam niya ang hirap ng hindi makapaglakad nang maayos.

Ngunit ipinangako niya sa sarili na mag-aaral siyang mabuti upang makatulong sa mga magulang.

“Ang inspirasyon ko ay mga magulang ko. Kasi sila ‘yung tumutulong sa akin para sa pag-aaral ko,” ayon kay Jessie Rose.

Sa kanilang tahanan ay laging handa ang kanyang mga magulang at kapatid na magsilbing mga kamay na hahawak sa kanya at paa na hahakbang upang siya ay makarating sa inaasam na destinasyon. Habang sa paaralan naman, ang mga guro niya ang aalalay sa kanya sa karunungan.

Ang tagumpay niya sa Junior High ay alay ni Jessie sa kanyang sarili at sa lahat ng taong pinunan ang kanyang pisikal na pagkukulang.

“Nararamdaman ko na parang kumpleto pa rin ako. Kasi kahit ganito ako, patuloy pa rin daw ang pag-aaral ko at hindi ko pinabayaan ang pag-aaral ko,” dagdag ni Jessie.