Region

PABASA PROGRAM INILUNSAD SA LIBLIB NA ESKUWELAHAN SA AGUSAN DEL SUR

/ 8 February 2021

ISA ang Datu Hugmakan Elementary School ng Barangay San Juan sa mga Last Mile Schools o pinakamalayong paaralan ng Schools Division Office ng Bayugan sa lalawigan ng Agusan Del Sur.

Malayo man sa bayan ay hindi naman napag-iwanan sa edukasyon ang nasabing paaralan dahil abot-kamay ng mga mag-aaral ang edukasyon maging sa ilalim ng distance learning ngayong taon dahil sa inisyatibo at pagpupursigi ng kanilang mga guro.

Nasa 94 porsiyento ng mga mag-aaral dito ay mga IPs mula sa Tribong Manobo.

Sa pagbubukas ng second quarter ay patuloy na isinasagawa ng mga kaguruan ang programang random pabasa at random module monitoring upang masiguro ang pagkatuto ng mga IP learner maging sa labas ng paaralan.

Nagpamalas ng masidhing dedikasyon ang mga guro sa kanilang isinagawang home visitation para sa IP learners ng paaralan.

Sa home visitation na ito, nagsasagawa ng random pabasa at random module monitoring ang mga guro upang matiyak ang pagkatuto at magabayan ang mga IP learner sa kanilang pag-aaral. Kasabay nito, kanila ring mahigpit na ipinatutupad ang safety protocols sa nasabing home visitation.

“Ginagawa po namin ito alinsunod sa pabasa program ng aming dibisyon sa Bayugan City at isinasabay po namin ito sa aming ginagawang home visitation at monitoring of modules,” sabi ni Teacher Jonard Comiso ng Hugmakan Elementary School.

“Ninanais din po ng aming paaralan na madaling maintindihan ang modules ng mga bata kaya ginawan namin ito ng paaran sa pamamagitan ng paglo-localize at indigenize ng activity ng mga bata na may kasamang localized audio recording lesson,” dagdag pa ng guro.

Napamahagian din ang mga mag-aaral ng radyo, USB, at iba pang learning materials na makatutulong para sa kanilang distance learning.

“Patuloy akong nagpupurisige sa pag-aaral sa kabila ng pandemya dahil mayroon akong pangarap sa aking buhay,” ayon kay Glaiden Banzon, isang IP learner.