Region

P9.7-M INILAAN NG CHED SA COVID19 PROJECTS NG MARIANO MARCOS STATE U

/ 31 October 2020

NAGLAAN ang Commission on Higher Education ng P9.7 milyong pondo para sa Covid19 initiatives ng Mariano Marcos State University sa Batac, Ilocos.

Ang naturang halaga ay ilalagak sa Saranay Against Covid19, ang pinakamalaking programa ng MMSU.

Ayon kay University President Dr. Shirley Agrupis, P7.5 milyon rito ay para sa produksiyon ng 70 porsiyentong ethyl alcohol, habang ang natitirang P2.2 milyon ay para naman sa paggawa ng personal protective equipment.

Tutugunan ng Saranay Program ang isyu ng kakulangan sa suplay ng alcohol at PPE sa rehiyon ng Ilocos. Maraming ulat na ang natanggap ng lalawigan na kinakapos na ng laboratory gowns, face masks, at sanitizers ang frontliners sa mga pampubliko at pampribadong ospital.

Samantala, ang ipoprodyus na alcohol ay pangungunahan ng National Bioenergy Research and Innovation Center ng MMSU. Isinasaayos na nila sa kasalukuyan ang upgrade ng mga equipment upang mabilis na makagawa ng 6,000 litro ng 70 porsiyentong ‘nipahol’ o alcohol na gawa sa nipa sap, 4,800 litro ng ‘Ilokohol’ o alcohol na gawa sa molasses, at 10,000 piraso ng 45ml bottle ng hand sanitizers.

Higit naman sa 55,000 piraso ng face masks at 150 lab gowns ang sinimulan nang gawin ng MMSU Garments Project, panulong sa Saranay.

“The project rests on two driving forces- the efficiency and productivity of MMSU projects and the healthy collaboration among stakeholders, particularly with the local government units,” ayon kay Agrupis.

Malaki ang pasasalamat niya sa CHED sapagkat hindi susulong ang programa kung wala ang pinansiyal nitong suporta sa unibersidad.