P6.5-M ‘HIGH TECH’ PUBLIC LIBRARY ITINAYO SA ILAGAN, ISABELA
PINANGUNAHAN ni Ilagan, Isabela City Mayor Josemarie Diaz ang pagbubukas ng bago at high-tech na public library para sa mga mag-aaral sa paparating na bagong akademikong taon.
Nagkakahalaga ng P6.5 milyon, ang aklatan ay magbibigay ng Technology for Education, Employment, Entrepreneurial, at Economic Development Project services na libreng magagamit ng sinumang nagnanais makakonekta sa internet upang makapag-research, makapaghanap ng trabaho, makapag-enroll sa online classes, makapagsanay, makakonekta sa telemedicine, at marami pang iba.
Nilalayon ng Tech4ED na mailapit ang mga mamamayan ng Ilagan sa dihital na komunidad upang mas makapagpatalas ng kaisipan ngayong uutilisahin ng DepEd ang modular distance learning at upang makapaghatid din ng mas maraming oportunidad o hanapbuhay sa mga nangangailangan nito.
Labinlimang computer units ang ibinigay ng Department of Information and Communications Technology – Isabela para sa naturang aklatan na inaasahang madaragdagan pa sa mga darating na panahon.
Samantala, inanunsiyo ni Diaz na magkakaroon ng espesyal na seksiyon sa aklatan na magtatampok ng mga babasahin, pananaliksik, at mga dyornal na nagpapakita ng mga hakbang na ginawa ng lungsod upang labanan ang Covid19.
Ang curation na ito ay ihahanda para sa mga mag-aaral at mananaliksik na may layuning masilip ang hamong kasalukuyan ng mga paparating na henerasyon ng mga mamamayan.