Region

P40-M TESDA INNOVATION CENTER BINUKSAN SA CEBU

/ 30 October 2020

PINASINAYAAN noong Oktubre 23 ang natatanging Regional Technical Vocational Education and Training Innovation Center ng Technical Education and Skills Development Authority sa Cebu.

Ang RTIC ay nagkakahalagang P40 milyon kung saan nakabahay ang mga likhang proyekto ng mga iskolar ng TESDA pati ang multimedia at multipurpose room para sa mga mag-eenroll na estudyante sa hinaharap.

Ang naturang sanayan ay bilang paghahanda sa papalapit na Fourth Industrial Revolution.

Ang Innovation 4.0 ang bukambibig ng mga nangungunang bansa sa mundo sa larangan ng teknolohiya.

Sa World Economic Forum noong 2015, kung saan nakiisa ang TESDA, sinabi ni German Chancellor Angela Merkel na malapit nang magsimula ang ‘computerization of manufacturing’ – ang penomenon na mangunguna sa ‘fusion of the online world and the world of the industrial production’.

Dahil dito kaya kinonseptuwalisa ng ahensiya ang pagtatayo ng RTIC – makikipagsabayan ang Filipinas sa larangan ng teknolohiya.

Ayon kay TESDA Director General Secretary Isidro Lapena, “through this RTIC, we can offer them excellent and world class services that they deserve from the government.”

Bukod dito, ang naturang training center ay inaasahan ding makatutulong sa lumalaking demand ng export processing zone at ng sektor ng manupaktura na siyang nagdadala ng samu’t saring makinang ginagamit sa larangan ng robotics at mechatronics.

Sa ribbon-cutting ceremony ay nagbigay ng mensahe at hamon si Lapena para sa lahat.

“Let us work harder to help the Filipino people to rise from the crisis we are now facing and through this RTIC we can empower our kababayans with the right skill to meet the demands of the industry here in Region 7.”

Malaki ang pasasalamat ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa inisyatibang ito ng TESDA at sinabing makaaasa ang ahensiya na pag-iibayuhin nila ito at patuloy na payayabungin sa mga susunod na taon.