P350K LIVELIHOOD EQUIPMENT IPINAGKALOOB NG DOST SA NEGROS OCCIDENTAL
NAITURN-OVER na ng Department of Science and Technology ang higit P350,000 halaga ng livelihood equipment sa Asosasyon Sang Mangunguma sa Barangay Inolingan sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental.
Ito ay tinanggap ng 40 miyembro ng asosasyon kasama si District 5 Rep. Ma. Lourdes Arroyo.
“This program is promising for the community,” sabi ni Arroyo sa isang video message habang nagpapasalamat sa DOST.
“Its success relies on the community’s cooperation with each other.”
Nais iparating ng congressman na malaking panimula ang donasyon ng DOST sa ASMBI para makapagprodyus ng mga produktong maaaring pagkakitaan ngayong panahon ng pandemya. Subalit, hamon din ito sa mga miyembro para maging self-sustaining sa mga susunod na buwan o taon.
Hinikayat naman ni Moises Padilla Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo ang buong asosasyon na ingatan at palaguin ang proyekto at na maging inspirasyon sa iba pang mga samahan.
Ikinuwento ni Garcia-Yulo kung gaanong nagsusumikap ang ASMBI sa araw-araw kaya sila patuloy na nabibiyayaan ng mga donasyon kagaya nito.
Ilan sa mga equipment na bigay ng DOST ay ang band sealer, chest freezer, food processor, meat grinder, meat slicer, sausage filler, stainless table, tabletop vegetable cutter, two-tank gas fryer, at universal pulverizer.
Nagpasalamat din sa DOST si ASMBI Processing Head Melanie Tuya sa pagsasabing ang mga kagamitan at makina ay tiyak na makatutulong para umahon mula sa pandemya ang mga miyembro nito, gayundin ang buong bayan ng Moises Padilla.
Ikinalugod ito ni DOST Negros Occidental Director Engr. Allan Francis Dara-ug at tiniyak niyang kasangga nila ang kagawaran sa anumang oras.