OUT-OF-SCHOOL YOUTH SA PANGASINAN LIBRE ANG PAG-AARAL SA PSU
LIBRENG pag-aaralin ng Pangasinan State University ang mga out-of-school youth sa lalawigan.
Ayon kay PSU President Dr. Dexted Buted, hangad niya at ng buong pamunuan na makapagtapos ng pag-aaral ang lahat ng Pangasinense sa pamamagitan ng free education program ng pamantasan.
“Hinahangad kong wala na sanang mga out-of-school youth pa sa bawat barangay lalo pa’t mayroon na tayong Free Education Program sa ating mga pampublikong pamantasan. Ang PSU ay bukas sa lahat ng mga out-of-school youth na nagnanais na makapag-aral at nakakasigurado kayong makakasumpong ng dekalidad na edukasyon ang bawat mag-aral,” pahayag niya.
Ang OSY ay yaong mga kabataang may edad 18 hanggang 30 na hindi dumaan sa pormal na modalidad ng edukasyon bunsod ng anumang kadahilanang personal, pampamilya, ekonomikal, at sosyal
Sila’y mabibigyan ng pangalawang pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng magkahalong tradisyonal at modular classes na pamumunuan ng PSU.
Pormal nilang inilunsad ang nasabing programa noong Disyembre 21, kasama sina Vice President for Research, Extension and Innovation Dr. Paulo Cenas at Extension Services Director Prof. Francis Albert Agente.
Isinabay rin dito ang pamamahagi ng Christmas gift bags at tablets sa mga batang walang kakayahang bumili ng gadgets para makadalo sa online classes.