‘OPPORTUNITY 2.0’ NG USAID PARA SA OSYs UMARANGKADA NA SA ZAMBOANGA
NAKARATING na sa lungsod ng Zamboanga ang programang Opportunity 2.0 ng United States Agency for International Development para sa mga out-of-school youth na nais magkaroon ng trabaho o pagkakakitaan.
Ang programa, na tinawag na Opportunity 2.0: Second-Chance Opportunities for Out-of-School Youth Program, ay binuo para suportahan ang pag-aaral, hanapbuhay, at kinabukasan ng mga OSY sa Filipinas.
Magkaagapay ang USAID, LGU, Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang lilinang sa kagalingang akademiko, employability skills, at karanasang teknikal ng mga OSY nang sa gayon ay magkaroon sila ng siguradong kinabukasan.
Nasa 180,000 na kabataang Filipino na ang natulungan ng Opportunity 2.0. Nakapagpatuloy na rin sa pag-aaral ang 74,000 at 2,000 naman ang nagkaroon ng hanapbuhay.
Ngayon, kahit na may pandemya ay nais pa ring palawigin ng USAID ang programa mula Luzon hanggang Mindanao. Zamboanga ang una nilang naging destinasyong aagapayan sa Timog Filipinas.
“We try to see to it that we give them the right training,” wika ni USAID Youth Coordinator Julius Ibalio.
““We make sure that the youth we train match with what the industry needs,” pahayag naman ni USAID Program Coordinator Aimalynne Radores.
Ibinalita na ng The POST noong nakaraang Oktubre ang tagumpay ng Opportunity 2.0 sa lungsod ng Legazpi kung saan P1.9 bilyong badyet ang inilaan para sa pagrolyo ng mga gawaing pang-OSY.
Nagpakita ng suporta sa programa ang mga nangungunang kompanya sa bansa gaya ng accenture, Catholic Relief Services, Philippine Business for Education, SEAMEO-INNOTECH, at Voluntary Services Overseas.