Region

NOISE BARRAGE SASALUBONG SA PAGBUBUKAS NG KLASE SA BORONGAN, SAMAR

/ 30 September 2020

MAGSASAGAWA ng ‘noise barrage’ ang buong Lungsod  ng Borongan sa Samar bilang pagsalubong sa bagong akademikong taon sa Oktubre 4.

Sa isang press conference, sinabi ni Department of Education – Eastern Samar Schools Divisions Office Superintendent Carmelino Bernadas na bahagi ito ng kalendaryo ng SDO at hudyat ng pagkakaisa ng lahat ng sektor ng lipunan para sa continuous education.

Kabit-bisig na mag-iingay ang mga mag-aaral, magulang, guro, opisyales ng pamahalaan, pati mga pulis at barangay tanod, upang ipakitang handang-handa ang lahat na suungin ang bagong taong pampanuruan nang buong puso at buong lakas.

Patuloy pa ring tumatanggap ng late enrollees ang lahat ng paraalan sa dibisyon at ipinagmamalaki nilang nasa 95% na ang enrollment rate sa kasalukuyan.

Sa tulong naman nina Governor Ben Evardone at Congressman Maria Fe Abunda ay tapos nang i-print ang 310,092 self-learning modules para sa lahat ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 12 at Alternative Learning System.

Mayroon ding nakakasang programang tinawag na Kids-Teaching-Kids Covid19 Version na may harangaring pag-ibayuhin ang bayanihan sa pagitan ng mga bata. Yaong may kakayahan at kalipikadong Grade 1 students ay magtuturo sa Kinder kung paano magbasa, gayundin, ang iba pang grade level na nakatalaga sa kani-kanilang mga ‘junior’.

Parehong programa ang inutilisa ng SDO noong bagyong  Yolanda at positibo ang naging resulta nito.

Kumpiyansa silang ganito rin ang magiging outcome ngayong panahon ng pandemya.

Dagdag ni Bernadas, anumang delubyo ang dumaan, ang pag-aaral ay dapat na magpatuloy sapagkat ito’y kayamanan. “There is no pandemic that can stop education.”