Region

NATIONAL TOOTHBRUSHING DAY INILUNSAD SA BUENAVISTA ELEMENTARY SCHOOL

/ 27 February 2022

IDINAOS kamakailan ng Schools Division Office Sorsogon City ang National Toothbrushing Day sa Buenavista Elementary School upang mapanatili ang ngiting alaga ng mga mag-aaral.

Mahigit 43 Grade 3 learners ang nakibahagi sa nasabing event upang itaguyod ang kahalagahan ng pagsisipilyo bilang suporta sa Dental Health Month 2022.

Ilan sa mga mag-aaral, kasama ng kanilang mga magulang at tagapangalaga, ang nakapag-uwi ng ngiti at nagbahagi ng kanilang karanasan sa programang pangkalusugan sa ngipin.

“Ang National Toothbrushing Day ay nakatulong sa akin sa pamamagitan ng pagpaaalala ng tamang paraan ng pagsisipilyo ng ngipin,” pagbabahagi ni Grade 1 learner Channel Kurtney Posadas.

Ayon naman kay Dr. Paul John Grajo, Dentist-in-Charge ng SDO Sorsogon City, matututunan ng mga bata ang tamang technique sa pagsisipilyo at ang kahalagahan ng may fluoride ang toothpaste na ginagamit sa pamamagitan ng programang ito.

“Ang aim natin dito na kahit may pandemic, kailangang matutunan ng mga bata at ma-practice ang proper tooth brushing,” dagdag pa niya.

Samantala, sa mga eskuwelahan naman ng Burgos Elementary School, Panisijan Elementary School, at Buenavista Integrated School, naghatid ang Schools Division ng Masbate ng libreng dental health services tulad ng pagbibigay ng oral health education, oral check-up, at extraction sa mahigit 300 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 3, kasama ng kanilang mga magulang at tagapangalaga, sa pamamagitan ng Project KUSOG o Kindred, United Service-Oriented Group.

Nagagalak na ibinahagi ni Isah Espejon, 33, na may anak na mag-aaral ng Grade 2, na natutunan niya sa KUSOG (salitang Masbate na ang ibig sabihin ay “lakas”) na ang regular na pagsisipilyo ang solusyon upang maprotektahan ang ngipin mula sa pagkakasira.

“Maliit man ang sukat ng ngipin kumpara sa ibang parte ng katawan pero malaki ang papel na ginagampanan nito sa nutrisyon at kalusugan ng tao,” dagdag pa niya.

“Ito ay napakahalagang hakbang, lalo na para sa nalalapit na face-to-face classes. ang masuri ang kalagayan at mabigyan ng lunas ang anumang karamdaman sa ngipin. Sa gayon, hindi sila liliban sa klase. Sana ang pagbibigay ng school supplies ay makatulong din para kahit papano mapunan ang hindi kayang bilhin ng kanilang mga magulang,” ani Dr. Sionita Arevalo, Dentist-in-Charge ng SDO Masbate.