NAMBOMBA SA MSU TUKOY NA NG PNP
TINUKOY na ng Philippine National Police ang dalawang suspek sa pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City noong Linggo ng umaga.
Kinumpirma na rin na miyembro ng Daulah Islamiah Maute Group ang dalawa na nagpasabog sa Dimaporo gym sa MSU kung saan apat ang nasawi habang mahigit 50 ang sugatan.
Kahapon ay inilabas na ng PNP ang pangalan at mukha ng dalawang suspek
Nakilala ang mga ito na sina Arsani Membisa alyas Lapitos at Kadapi Mimbesa alyas Engineer na parehong miyembro ng DI- Islamiah Maute group
“Base sa mga interview na nakalap natin sa witnesses, nakakuha CCTV outside MSU description na suspects match sa dalawang persons of interes at itsura,” ayon sa PNP
Bandang alas-7 ng umaga nang makita ang dalawang suspek na pumasok sa MSU.
Bitbit ni alyas Engineer ang bag na hinihinalang pinaglagyan ng bomba.
Lumalabas sa imbestigasyon na dati nang nasangkot sa bombing incident ang dalawang suspek kabilang na ang pagpapasabog sa NGCP tower sa Kauswagan, Lanao del Norte noong Setyembre
Kapwa rin sila may warrant of arrest sa kasong murder noong 2022
Una na ring kinumpirma ng mga awtoridad na 60mm mortar ang ginamit sa pagpapasabog.