MOBILE E-LIBRARY UMARANGKADA SA TAYTAY
INILUNSAD ng Sangguniang Kabataan ng Barangay San Juan, Taytay, Rizal ang isang proyekto na layong tulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.
Kamakailan ay umarangkada na ang mobile e-library na eksklusibo para sa mga kabataan ng nasabing barangay.
Ang naturang mobile e-library ay iikot sa iba’t ibang sulok ng barangay upang mag-alok ng libreng print, research at internet connection sa mga mag-aaral.
Dahil bawal pa sa ngayon ang mga sports activity dahil sa pandemyang kinakaharap ng bansa, minabuti ng Sangguniang Kabataan na gawin ang nasabing proyekto kung saan maraming kabataan ang makikinabang dito.
Inaabisuhan din ang ibang kabataan na hintayin lamang ang iskedyul sa kanilang lugar dahil ipo-post ito sa kanilang official Facebook page.
Sumasailalim ngayon sa distance learning ang mga mag-aaral dahil sa pandemyang kinakaharap ng bansa kung saan ipinagbabawal muna ang face-to-face classes dahil mapanganib pa ito sa mga bata lalong-lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng Covid19.