Region

MOBILE COMPUTER LAB UMARANGKADA SA AGUSAN DEL SUR

/ 9 November 2020

KAILANGAN ng mga mag-aaral ng akses sa impormasyon, learning materials, at iba pang tulong pampag-aaral na ginagamitan ng internet at kompyuter kung kaya minabuti ng Philippine Army 4th Infantry Division na buhayin ang Mobile Computer Laboratory sa mga nayon at komunidad ng Agusan del Sur.

Ang MCL ay isang 40-footer fully air-conditioned van na naglalaman ng 21 sets ng high- technology computers. Mayrooon itong pre-installed na mga aplikasyon para sa learning management system ng DepEd, mga search engine tool, at iba pang magagamit ng mga bata sa kanilang pag-aaral ngayong imposible na makabalik agad sa face-to-face classes dulot ng pandemya.

Kasama rin sa MCL ang pagtuturo ng basic computer skills sa mga batang walang ideya kung paano ito gamitin, partikular sa target na komunidad ng 4ID, ang mga Lumad.

“The deployment of MCL aims to provide basic computer education to the target beneficiaries of identified members of marginalized sectors and communities,” wika ni 4ID Public Affairs Office Chief Major. Francisco Garello, Jr.

Noon pang 2015 pinasinayaan ang MCL sa loob ng kampo ng 4ID sa Camp Edilberto Evangelista, Lungsod ng Cagayan de Oro. Pero ngayon, ito binuhay at ibiniyahe nang sa gayo’y mas maraming bata ang makinabang sa nasabing programa.

Una sa listahan ng mga benepisyaryo ang mga mag-aaral ng Esperanza National High School sa Barangay Poblacion, Agusan del Sur.

Nasa 21 na mga kabataang indigenous peoples ang sasabak sa basic computer skills training na pangungunahan ng 26th Infantry Battalion, pamahalaang lokal ng Esperanza, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Education, at ng National Commission on Indigenous Peoples.

Ang MCL ay binuo ng 4ID, kasama ang Pinoy Batang Bayani Foundation at Tuloy Foundation, Inc.