MGA MAGULANG NG BAGUIO CITY LEARNERS TUTURUAN NG ILOKO
HINDI lang ang mga mag-aaral sa Baguio City ang tuturuan sa online ng mga guro kundi maging ang kanilang mga guardian o magulang.
Ayon sa pamunuan ng Middle Quezon Hill Elementary School, magkakaroon sila ng special class para maturuan ang mga magulang ng mga mag-aaral hinggil sa dayalektong Iloko o mother tongue.
Layunin nito na magkaroon ng malinaw na komunikasyon sa pagitan ng guro at ng mga mag-aaral.
Ang hakbang ay kasunod ng mga hinaing ng mga magulang ng ilang mag-aaral sa nasabing paaralan na nahihirapan sila sa pagtuturo ng Iloko sa kanilang mga anak.
Sinabi ni Barangay Middle Quezon Hill Chairwoman Edita Ibbara na posibleng isagawa ang special class sa Enero 2021.
Ayon kay Ibbara, bigo ang pagtuturo ng mother tongue sa mga batang hindi naman Ilokano kaya dapat ay maturuan ang mga magulang o guardian para maging katuwang sa pagtuturo sa mga learner dahil sila ang kasama sa bahay.
Idinagdag ng kapitana na gagamitin ang kanilang barangay hall bilang venue ng special class sa mga magulang ng mga learner.