Region

MGA MAGULANG NATUTUTO RIN SA BLENDED LEARNING

/ 5 April 2021

IKINAGALAK ng isang school principal at youth pastor ang natanggap na impormasyon na may positibo ring epekto sa mga magulang at guardian ang blended learning.

Sa isang panayam, sinabi ni Pastor Milaner R. Oyo-A, principal ng San Policarpio National High School sa Calbayog City, Eastern Samar, na may maganda ring nangyari sa mga magulang at guardian ng mga mag-aaral sa pagpapatupad ng blended learning.

Ito ay dahil kasabay ng pag-aaral ng kanilang mga anak ay may natututunan din sila dahil sila mismo ang gumagabay at kasama ng mga learner sa tahanan.

“Mas nagkaroon ng panahon na kasama ng mga bata ang kanilang mga magulang o guardian at nare-refresh muli dahil binabalikan nila ang dating napag-aralan,” paliwanag ni Pastor Oyo-A.

Higit aniyang nakatataba ng puso ay nang maunawaan ng mga magulang at guardian ang hirap ng mga guro sa pagtuturo sa kanilang mga anak dahil sila na mismo ang nakatutuklas kung ano ang kakayahan ng mga learner.

Nagtitiwala rin ang mga guro na paggabay lamang para matuto ang ginagawa ng mga magulang kung ang pagsagot sa modules ang pag-uusapan.