MGA MAG-AARAL NA DUMALO SA BANTAYAN PROGRAM PINAIIMBESTIGAHAN NG DEPED 7
MAINIT na mainit ngayon ang isyu ng social gathering na naganap sa Bantayan, Cebu matapos kumalat ang mga retrato ng programang hindi sumusunod sa social distancing protocol ng Inter-Agency Task Force.
Ang mas malala pa rito, nahagip ng mga retrato ang pumpon ng mga kabataang nakaunipormeng pang-eskuwela na dumalo para makita ang ilang politikong nagsalita sa programa.
Ayon kay Department of Education Region 7 Director Salustiano Jimenez, nakarating sa kanyang tanggapan ang balitang maraming mga mag-aaral sa Cebu ang dumalo sa programang pinuntahan mismo ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa harap ng mahigpit na pagbabawal ng lokal at pambansang pamahalaan na lumabas ang mga batang may edad 15 pababa.
Ang tinutukoy na programa ni Jimenez ay ang Tourism Project ng Suroy-Suroy Sugbo na ngayo’y trending sa social media matapos na batikusin ng netizens sapagkat wala umanong social distancing, dahilan para mas maraming Filipino ang posibleng mahawahan ng nakamamatay na Covid19.
Partikular si Jimenez sa mga batang nakaunipormeng dumalo sa mass gathering. Kahit pa makailang-ulit itinanggi ni Roque ang paratang na hindi pagsunod sa protokol ay nais pa rin ng DepEd Director na malaman ang dahilan ng mga mag-aaral kung bakit sila naroon sa ipinagbabawal na gawain.
“We will check if school children were really there and what were their reasons why they went there. We will also check with the parents to find out why their children were there when there is an Inter-Agency Task Force protocol against it,” sabi ni Jimenez.
“It has to be checked because some may say that those were photos of previous events,” dagdag pa niya.