MGA LIBRO, GADGETS SA CAMARINES SUR WINASAK NI ‘ULYSSES’
HINDI na mapakikinabangan pa ang mga bagong computer, printer, reference book, at printed self-learning module ng Panaytayan Elementary School sa Camarines Sur matapos na malubog sa baha noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses.
Ito ay ayon sa pahayag ni PES Principal Maria Linda Mien.
Sinabi ni Mien na halos lamunin na ng baha ang buong kisame ng unang palapag ng mga klasrum kaya nasira nito ang lahat ng gadget at equipment na ginagamit nila sa pagpapatuloy ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemya.
Ilang printed self-learning modules na dapat sanang ipamimigay para sa ikalawang hati ng akademikong taon ang hindi na rin mapakikinabangan.
Sa ngayon, habang naglilinis ng putik at basura ay pinatutuyo ng mga guro ang mga kagamitang posible pang magamit. Ang mga printer at computer ay kinukumpuni na rin sa pagbabaka-sakaling gumana pa matapos na mababad sa maruming baha ng halos isang buong araw.
“Nagbabakasakali pa kami. Kumbaga, hopeful kami na ang mga ito’y gumana pa para sa modules,” sabi pa ni Mien.
Kahit pa ganito ang kinasadlakan ng paaralan, sinisiguro pa rin nilang walang dapat ipag-alala ang mga mag-aaral at magulang. Kung ang hawak nilang modules ay nabasa at nawasak ng bagyo ay hindi naman nila ito pababayaran.
Iyon nga lamang, maghihintay pa para sa susunod na ratsada ng printing at delivery.
“Ang isang parent, nakipag-usap na sa akin kung pagbabayarin ba sila roon sa mga module na nasalanta ng bagyo. Ang sabi naman namin ay syempre, hindi po,” paliwanag ng punong-guro.