Region

MGA ISKUL SA TAYTAY TODO-PAGHAHANDA SA PAGBABALIK NG FACE-TO-FACE CLASSES

/ 14 March 2022

KATUWANG ang lokal na pamahalaan, pinaghahandaan nang husto ng mga pampublikong paaralan sa Taytay, Rizal ang muling pagbubukas ng face-to-face classes ngayong tuloy-tuloy na ang pagbaba ng Covid19 cases sa lalawigan.

“Personal po nating dinalaw at binisita ngayong araw ang preparation activities ng Manuel I. Santos Memorial National High School para sa nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes dito sa ating bayan,” sabi ni Mayor Joric Gacula.

“Kasama sa mga isinagawang paghahanda ay ang isang orientation para sa mga mag-aaral, magulang o guardians, at sa mga guro at non-teaching personnel ng Manuel I. Santos Memorial National High School,” dagdag ng alkalde.

Tinitiyak naman ni Gacula ang isang ligtas na balik-eskwela sa kanilang bayan.

“Tuloy ang ating vaccination program, habang tinitiyak natin na na-meet ng mga paaralan ang minimum protocols ayon sa patnubay ng Department of Education,” ani Gacula.

“Maraming salamat po sa lahat ng nakibahagi ngayong araw, higit sa ating mga kasamahan sa DepEd-Taytay at sa pamunuan ng Manuel I. Santos Memorial National High School, para sa pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa ating pamahalaang bayan para sa maayos na back-to-school initiative na ito,” dagdag pa ng alkalde.

“Taytayeños, salubungin natin nang masaya at ligtas ang new normal na balik-eskwela sa ating bayan!”