Region

MGA ISKUL SA ANTIPOLO MAY HANDWASHING FACILITIES NA

/ 10 January 2022

NAGLAGAY ng mga handwashing facility ang lokal na pamahalaan ng Antipolo sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa lungsod bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng face-to-face classes.

“Kung dati-rati ay puro ceiling fans at wall fans ang ating mga ikinakabit sa mga paaralan, ngayon ay kaliwa’t kanan naman ang pagtatayo natin ng wash facilities para ‘pag bumalik ang face-to-face classes ay madali tayong makasusunod sa minimum health and safety protocols,” ssbi Mayor Andrea “Andeng” Ynares sa kanyang Facebook post.

Pinaalalahan din ng lokal na pamahalaan ang mga bata na palaging maghugas ng kanilang kamay upang mapigilan ang pagkalat ng sakit tulad ng Covid19.

“Dagdag proteksiyon sa kalusugan ang madalas na paghuhugas ng mga kamay kaya walang tigil ang pagtatayo natin ng mga wash facilities tulad na lang ng bagong tayo sa Jesus S. Cabarrus Elementary School, Barangay San Jose bilang paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes,” ani Ynares.

Nasa 272 pampublikong paaralan at 18 pribadong paaralan ang sumasailalim sa pilot implementation ng face-to-face classes, kabilang ang 28 paaralan sa National Capital Region.

Subalit pansamantalang  sinuspinde ng Department of Education ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa NCR dahil inilagay ulit ito sa Alert Level 3 bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga positibong kaso ng Covid19.

Kamakailan lang ay sinabi ng kagawaran na maaaring madagdagan ang bilang ng mga eskuwelahang magsasagawa ng face-to-face classes ngayong Enero.