MGA ISKUL NA SINALANTA NI ‘ODETTE’ BINISITA NG DEPED
BINISITA kamakailan ng Department of Education, sa pangunguna ng Disaster Risk Reduction and Management Service, ang mga paaralang sinalanta ng bagyong Odette sa Roxas Central District, Palawan.
Ang mga paaralang binisita ay ang Andres Soriano Memorial Elementary School, Malacampo Elementary School, Abaroan Elementary School, Tagumpay Elementary School, New Cuyo Elementary School, Magara Elementary School, Magara School for Philippine Craftsmen, Jolo Elementary School, at San Dionisio Elementary School.
Pangunahing naobserbahan sa distrito ang matibay na ugnayan ng komunidad at paaralan. Katunayan, ang ilan sa mga ito ay nagsasagawa ng Parents and Teachers Association meeting kasabay ng pamamahagi ng modules ng mga mag-aaral.
Malaking suliranin naman ang nabasang mga laptop, printer, TV, at iba pang gamit mula sa DepEd Computerization Program dahil lubhang binaha ang Roxas Central District noong kasagsagan ng bagyo dahil sa lokasyon nito.
Magpapatuloy sa susunod na buwan ang DRRMS upang beripikahin ang mga infrastructure at non-infrastructure damages ng bagyo sa ibang rehiyon upang tukuyin ang iba pang posibleng response interventions na isasagawa ng Kagawaran upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga naapektuhang mag-aaral at serbisyo ng edukasyon sa gitna ng pandemya.
Pinangunahan nina DRRMS Director IV Ronilda Co, Schools Division Office Palawan Coordinator Eugene Dela Torre, Chief Education Supervisor Felina Padrones, at Engr. Ralph Anthony Monton, DepEd Project Engineer ang pagbisita sa nasabing mga paaralan.