Region

MGA ISKUL MALAPIT SA TAAL VOLCANO GINAWANG EVACUATION CENTERS

/ 4 July 2021

Ilang residente ng bayan ng Laurel at Agoncillo sa Batangas ang tumutuloy sa mga pampublikong paaralan kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Noon pang Hulyo 2 ng gabi ay pinalikas na ng National Disaster Risk Reduction Management Council ang mga residente sa  mga barangay na malapit sa Permanent Danger Zone upang hindi mabiktima ng kalamidad.

Sa nasabing petsa ay tuloy-tuloy ang volcanic quakes habang nagbuga rin ng asupre ang bulkan kaya kinailangan ang paglikas sa mga barangay ng apat na bayan na Laurel, Agoncillo, Lemery at San Nicolas.

Kabilang sa mga paaralan na nagsisilbi ngayong kanlungan ng halos 3,000 evacuees ang Barangay Ticub Elementary School sa bayan ng Laurel.

Hanggang kaninang alas-7 ng umaga ay 122 pamilya naman ang nakisilong sa Sta. Maria Elementary School sa bayan pa rin ng Laurel.

Ganoon din ang senaryo sa bayan ng Agoncillo na ang mga pampublikong paaralan ang ginawang evacuation center.

Samantala, 10 paslit ang inihiwalay sa evacuation center sa Brgy. Ticub Elementary School dahil nagkasakit ang mga ito ng lagnat at ubo na dulot ng volcanic smog.

Hindi naman malala ang karamdaman ng mga paslit at inihiwalay lamang sila upang hindi makahawa.