MGA ISKOLAR SA BULACAN MAY CASH AID
SA PAGBUBUKAS ng klase sa mga pampublikong paaralan noong Setyembre 13 ay muling nag-abot ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga estudyanteng kapos sa pantustos sa kanilang pag-aaral.
Bagama’t mahigpit ang health protocols dulot ng pandemya, maayos na ipinamahagi ang tseke sa 241 mag-aaral.
Ayon kay Cathy Inucencio, tagapangasiwa ng Bulacan scholars, ang pinakamaraming benepisyaryo ay ang senior high schools mula sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.
Personal na iniabot ni Governor Daniel Fernando ang tig-P3,000 sa mga senior high school at nasa State University Colleges, habang tig-P5,000 naman sa mga naka-enroll sa Masteral, Board Examination at Academic.
Nabatid na nasa 15,000 mag-aaral sa buong probinsya ang bibigyan ng tulong pinansiyal ng Bulacan government.
Pangunahing layunin ng programa na tulungang maipagpatuloy ng mga kabataang Bulakenyo ang kanilang pag-aaral para sa magandang kinabukasan at maayos na mamamayan.