MGA ISKOLAR NG CHED-MIMAROPA TULOY ANG BUWANANG ALLOWANCE
PATULOY na susuportahan ng Commission on Higher Education MIMAROPA ang mahigit sa 3,000 iskolar nito sa kolehiyo sa ilalim ng programang Tertiary Education Subsidy.
Kahit na may pandemya at posibleng mabawasan ang badyet ng komisyon sa 2021 ay nakasisiguro pa rin ang mga mag-aaral na sila’y makatatapos ng pag-aaral at na hindi bibitawan ng CHED ang tungkuling sila’y tulungang makapagtapos ng kolehiyo.
Ngayon pang maraming magulang ang nawalan ng trabaho dahil sa Covid19, ang tulong mula sa pamahalaan ay kailangang-kailangan kaya sinabi ni CHED MIMAROPA Regional Director Atty. Joselito Alisuag na walang dapat ipag-alala.
Ang bawat mag-aaral ay mayroon pa ring P20,000 hanggang P30,000 na allowance sa bawat semestre na ibibigay nang buwanan, sapat para matugunan ang mga gastusin sa online classes.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Alisuag na anuman ang mangyari’y itataguyod ang tersiyaryang edukasyon para magkaroon ng maayos na hanapbuhay sa hinaharap. Mahirap ang online class dahil hindi ito nakasanayan, pero ang bawat paghihirap ay may kapalit na kaginhawahan sa buhay.
Payo ng opisyal ay mag-enroll pa rin kung kayang humabol at piliin ang mga kolehiyo o unibersidad na malapit sa kanilang tinitirhan. Kung may satelayt kampus naman umano ang isang uniberisdad ay doon na lamang magpatala para hindi na kailangang dumayo pa sa main kampus at na maiwasan ang hawahan ng virus.