MGA GURO SA BATANES TULONG-TULONG SA PAG-IIMPRENTA NG MODULES
UPANG tuloy-tuloy na makapagbigay serbisyo sa mga paaralan, ang mga guro ng Itbayat Central School sa Batanes ay nagtutulungan sa pag-iimprenta, paghahanda at pamamahagi ng self-learning modules.
Ang mga module ay dinadala sa mga bahay at ang iba naman ay kinukuha ng mga magulang sa mga paaralan kapag hindi makapunta ang mga guro.
Pumupunta rin ang mga guro sa mga bahay-bahay upang matulungan lalo na ang mga nangangailangan ng gabay sa pag-aaral at may mga magulang na hindi kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa dahilang pumupunta sa bukid, pumapasok sa mga opisina o kaya ay sa kakulangan ng kaalaman dahil hindi nakatapos sa pag-aaral.
Hindi matatawaran ang mga sakripisyo ng mga guro maihatid lamang ang dekalidad na edukasyon para sa kanilang mga mag-aaral.
Nagsagawa rin ng pagbisita ang nasabing mga guro sa mga mag-aaral na kailangan ng ibayong paggabay sa pagkatuto, kaakibat ang pagsunod sa mga safety protocol sa kanilang pagbisita.
Bukod dito, nakatanggap din ang paaralan ng mga donasyon gaya ng bond papers, alcohol, face masks, at electric fans mula sa lokal na pamahalaan, provincial government, mga pribadong sektor, at mga alumni ng paaralan.